By Julianna Bisda

Illustration by Alexandria Dizon

“Mama! Papa!” sigaw ng isang bata na hinahabol ang hininga sa kakatakbo papunta sa kuwarto ng kaniyang magulang, “Ma! Pa! Gising na kayo!!!”, nagulat ang mga magulang ni Timothee sa kalampag ng pinto at sigaw ng kanilang anak.

Bumalik muli sa pagtulog ang ama ni Timothee na si Victor, ngunit agad ito na dinaganan ng bata.

“Pa, gising na ikaw, pasko na po oh..” sabi ng batang maamo ang mukha.

“May pasok si papa ‘nak, patulugin mo muna ako”, sabi ng kaniyang ama na siyang ikinalungkot ng kaniyang damdamin.

“Anak, intindihin mo nalang ang papa mo, pangako babawi kami sa’yo ha”, sabi ng ina niyang si Tamaya.

“Pero mama…”, nakangusong malungkot tumingin si Tim sa ina nito.

“Anak, ‘wag na matigas ang ulo, sige na bumalik ka na sa kuwarto mo.” Sabi ng kaniyang ina na hinawakan ang kaniyang pisngi bago ito umalis sa kaniyang kuwarto. Malungkot na naglalakad si Tim sa hallway ng kanilang bahay. “Hay.. ano ba ‘yan, lagi nalang ganito tuwing pasko..”, sabi ng batang nakasimangot at napaisip siya ng, “Kailan kaya kami babalik sa dati?” Sabi nito sakaniyang utak, hindi namalayan ni Tim na papalapit nang papalapit siya sa kanilang Christmas Tree, kung saan ito’y nabunggo at napaupo sa harapan ng puno at nahulugan ng bituin sa ulo, “Aray! Ansakit”, sabi ng bata habang hinihimas ang ulo nito.

Tinignan niya ng mataimtim ang bituin at sinabing “Akala ko ba tuwing pasko masaya… pero parang wala ka namang effect eh.” Sabi nito sa bituin na kaniyang hawak, Ibabato niya sana ito ng biglang kumawala ito sa kaniyang mga kamay at lumutang sa itaas, “AHHHH!! MAMA!!! LUMULUTANG YUNG BITUIN!!”, sigaw ni Tim na handa ng tumakbo sa kuwarto ng kaniyang magulang hangang sa nagsalita ang bituin na ito, “Shhh… bata wag ka maingay,” bulong ng bituing lumilipad, nang magsasalita sana muli si Tim biglang tinikom ang kaniyang bibig gamit ang kapayarihang taglay ng Bituin.

Umikot ang bituin sa harapan ni Tim at naganyong tao ito ng pagmasdan ni Tim ang bituing nag-anyong tao sakaniyang harapan siya’y namangha sapagkat ang kulay ng buhok nito ay tila parang ginto at ang kaniyang mga mata ay puno ng ligaya at liwanag. Lumapit ang mahiwagang bituin kay Tim at sinabing, “Huwag ka matakot hindi kita sasaktan.”, at ngumiti ito kay Tim.

“Sino ka?”, saad naman ng batang nakatulala sa kakaibang tao na nasa harapan niya,

“Ako si Estrelya ang Diwa ng pasko”, masayang pagkasabi ng mahiwang bituin kay Tim, lumapit ng kaunti si Tim kay Estrelya at kapansin-pansin na mas matangkad si Tim kesa kay Estrelya, “Katulad pala kita.”, saad ni Tim na siyang ikinataka ni Estrelya.

“Paanong mag-katulad?”, tanong naman ng mahiwagang bituin,

“Parehas tayong bata.”, kaagad na sumagot si Tim at tumango nalang ang mahiwang bituin.

“Ano ba ang ikinalulungkot mo bata?”, tanong ni Estrelya kay Tim at tila nagmukhang malungkot nanaman muli ang bata na si Tim, “Lagi nalang kasing walang oras sa akin si Mama at Papa, pati rin sa pasko wala silang oras para sakin.”, malungkot na sabi ni Tim,

“Sige kung gano’n ay may tatlong wish ka na hihilingin sa’kin at tutuparin ko! Ngunit hindi pupwedeng masama ang iyong mga hiling.” Sabi naman ng mahiwagang bituin kay Tim.

“Sige nga, kung gano’n, ang first wish ko ay gusto ko makapunta sa ice cream land!”, masayang sabi ni Tim.

Nagulat ang bata ng mag magic si Estrelya at napunta nga sila sa Ice cream land, nagtatalon si Tim sa sobrang tuwa at kaagad agad tumakbo patungo sa isang malaking ice cream at isinubsob ang kaniyang mukha rito, natatawa nalang si Estrelya sa nakikita niya, panay takbo at talon at kain si Tim sa mga nakikita niya sakaniyang paligid. Nang mapagod na ang batang lalaki, bumalik ito kay Estrelya na nakaupo sa isang Ice cream sandwich na upuan, “Pagod ka na ba?”, tanong ni Estrelya kay Tim na wala nang gana at pagod na pagod.

“Ambigat na ng tyan ko Estrelya.” Saad ni Tim sa mahiwagang bituin.

“’Yan kasi, andami mong kinain na sorbetes.” Saad naman ng mahiwang bituin na ikinangiwi ni Tim, “Ano na ang iyong susunod na hiling bata?”, tanong ng mahiwagang bituin.

“Hmmmm… iisip muna ako.” Habang nagiisip si Tim, inip na inip naman si Estrelya sa sobrang bagal nito.

“Tapos ka na ba magisip? Isang oras na tayo inaabot rito oh.” Reklamo ng mahiwagang bituin.

“Alam ko na! Sa pangalawang hiling ko, gusto ko makapunta sa Dinosaur World!”, excited na pagkasabi ni Tim na ikinatakot ni Estrelya.

“Sigurado ka ba diyan? ‘Yung totoo talaga Tim, sure ka?”, tanong na may halong kaba habang iniisip palang ni Estrelya ang mga pwedeng mangyari.

“Oo naman Estrelya! Siguradong-sigurado ako sa pangalawa kong hiling.” Walang magawa ang mahiwagang bituin sa desisyon ng batang makulit, kung kaya’t nagtaglay ito ng kapangyarihan at napunta sila sa mundo ng mga dinosaur at sa pagdilat ni Tim namangha siya sa mga kaniyang nakikita makukulay ang mga dinosaur na kaniyang nakikita at napaka ganda ng mga gubat na kaniyang nasilayan, “Maglilibot ka ba?”, imik naman ni Estrelya kay Tim.

“Oo, pero gusto ko kasama ka, pwede ba?”, tinaasan niya ng kilay si Tim,

“Ayoko nga.” Sabi naman ni Estrelya.

“Naduduwag ka lang eh.” Asar naman ni Tim na siyang kinapikon naman ni Estrelya, “Sinasabi ko sayo Tim pag tayo talaga napahamak.” Nagpapaawang tumingin si Tim kay Estrelya at nagmamakaawang sumama ito, at sa sobrang kulit ni Tim napilit niyang sumama ang mahiwagang bituin.

Lumibot ng lumibot ang dalawa sa gubat at marami silang nakitang mga iba’t ibang mga dinosaur at hayop sa paligid. May mga oras na dinadapuan sila ng kung ano-anong hayop habang sila’y naglalakad sa gubat may paru-parong lumalapit kay Estrelya, kulay dilaw ito at makinang tulad ni Estrelya, “Estrelya! Tignan mo parang ikaw yung paru-paro dilaw at makinang.” Natatawang sabi ni Tim kay Estrelya.

“Hay nako.. Hindi ka pa ba pagod sa kakalakad?” Tanong ng mahiwagang bituin sa bata,

“Hindi, may gusto pa kasi akong subukan.” Sabi ni Tim habang nakangiti.

“Ano ‘yung gusto mong gawin?” Tanong naman ni Estrelya. Sa sandaling minuto, nakita niya si Tim na kumukuha ng kung ano-ano at lumapit sa isang dinosaur na may pakpak na tinatawag na Pterosaur at sinakyan ito.

Tumingin ito kay Estrelya at sinenyasan na sumakay rin ito sa Pterosaur. Nagaalinlangan si Estrelya na sumakay pero tinuloy niya pa rin ito. Nang sumakay si Estrelya, tinapik ni Tim ang dinosaur at kaagad ito lumipad, tuwang tuwa si Tim habang sila’y nasa ulap, samantalang si Estrelya ay kinakabahan sa bawat ulos ng Pterosaur, ipinkit nalang niya ang kaniyang mga mata hangang sa matapos ito, bumaba si Tim at sumunod naman si Estrelyasa. Sa sobrang pagod ng dalawa, nagmagic si Estrelya patungo sa bahay nila Tim, “Tapos na?”, saad ni Tim.

“Syempre hindi pa.”

“Huh?”, tinignan siya ni Estrelya ng mataimtim, “Diba may last wish ka pa!”

Napakamot ng ulo si Tim. “Oo nga pala..” Saad naman ni Tim, “Okay, Ang last wish ko ay ‘wag pumasok si papa sa work, para kumpleto kami ngayong pasko!” Sumimangot si Estrelya kay Tim, “Hindi ba sabi ko bawal humiling ng masama?”

“Hindi naman iyon masama ah, gusto ko lang naman makasama si papa..” Sagot ni Tim sa mahiwagang bituin.

“Tim, masama yung hinihingi mo dahil nagtratrabaho ang ama mo para mabuhay ka at ang iyong ina.” Panenermon naman ng mahiwagang bituin kay Tim.

“Pero Estrelya..”, sumenyas ang mahiwagang bituin na bawal ang hinihiling ni Tim, nalungkot si Tim ng maalala muli na hindi makakasama ang kaniyang ama sa Noche Buena nilang magina, dahil kailangan nito magtrabaho. Suminghap ang bata at tumingin kay Estrelya, “Kung ganon, edi maraming pagkain nalang.” Sabi ni Tim,

Your wish is my command!” Nagmagic si Estrelya ng maraming pagkain, sa hapag kainan tulad ng lechon, graham, brownies, fried chicken, mga prutas, at iba pa.

Nagulat si Tim na may narinig siya na sigawan sa kwarto ng kaniyang mga magulang, kaagad siyang tumakbo doon at itinapat ang kaniyang tainga sa pintuan, “Anong klasing ama ka!? Parati ka nalang wala tuwing pasko at sa iba pang okasyon, isipin mo naman si Timothee!” Sigaw ng ina ni Tim na si Tamaya sa kaniyang ama.

“Kailangan kong magtrabaho para mabigyan ko kayo ng magandang buhay, Tamaya. Mahirap bang intindihin ‘yon!?” Sigaw pabalik ni Victor na ama ni Tim kay Tamaya.

“Parati nalang kami ang umiintindi sayo Victor, intindihin mo naman din kami, gusto ka lang naming makasama ni Tim, Mahirap ba ‘yon?” Saad naman ni Tamaya at sumagot naman si Victor,

“Tamaya naiintindihan ko na gusto niyo ko makasama, gustuhin ko mang maglaan ng oras sainyo, hindi ko magawa, dahil hinahangad ko na mabigyan ko kayo ng magandang buhay ni Tim para makaalis na tayo sa pangit na bahay na ‘to at tumira sa isang bahay na malawak at mapunta si Tim sa isang private school.”

Biglang tumahimik ang kuwarto ng magulang ni Tim at bigla itong nagbukas, nagulat si Tamaya at Victor sa anak nila na umiiyak ng tahimik — kaagad lumapit si Tamaya at kinarga si Tim at sinubukan patahanin,

“Mama.. ‘wag na po kayo magaway ni papa…”, iyak ni Tim sakaniyang ina, hinimas-himas ni Tamaya ang likod ng anak habang pinapatahan ito, habang si Victor naman na nasa isang gilid tila hindi mapinta sa mukha na ito’y nasasaktan.

“Nak..”, biglang imik ni Victor at tinignan lang siya nito ni Tim, “Sorry ha.. hindi ko namalayan na pati ikaw naapektuhan na.” Sabi naman ni Victor sa anak at biglang sumagot si Tim, “Papa, please stay with us, kahit ngayong gabi lang..” Pagmamakaawa ni Tim kay Victor, tinignan ni Tamaya ang kaniyang asawa na nagsasabing pumayag na ito.

“Sige anak magpapasko tayong buo.” Sabi ng kaniyang ama na siyang kinatuwa ni Tim at nagpababa kay Tamaya sa pagkakarga nito at tumakbo sa ama at niyakap ito ng mahigpit, “Salamat papa! Ngayon buo na ang pasko ko.” Sabi ni Tim kay Victor, habang ang mga mata nito ay medyo luha-luha pa, kinarga ni Victor si Tim at hinalikan sa pisngi, “Sorry ulit nak.. patawarin mo ang papa kung hindi ko inintindi ang nararamdaman mo, pangako hinding-hindi na ko mawawala sa lahat ng okasyon na meron ka, pangako ‘yan anak hinding-hindi na mawawala si papa sa tabi mo.” Sabi ng kaniyang ama na siyang ikinatuwa ng kaniyang damdamin.

Sabay-sabay silang pumunta sa hapag kainan at nagulat ang kaniyang ina kung saan nanggaling ang mga pagkain na nandoon sa lamesa, “Jusko panginoon, saan nanggaling ang mga ito!” Saad ni Tamaya, na siyang naalala ni Tim kung nasaan na si Estrelya, hindi na nasagot ni Tim ang tanong ng kaniyang ina at kaagad tumakbo sa Christmas tree nila, kung saan may nakita siyang sulat na nakasaad na “Hindi na ko nakapagpaalam bata, dahil tapos na ang oras ng pagbabantay ko sayo at bilang taga tupad ng mga hiling mo, maging mabuting anak ka Tim, parati lang ako andito hindi mo man ako makita ngunit ako’y parati nasa iyong puso at isip, maraming salamat bata sa pagpaparamdam saakin ng saya.” Sabi ni Estrelya sa sulat niya para kay Tim, tumingin ang bata sa nakalagay na bituin sakanilang Christmas tree at bumulong siya ng “Maraming salamat Estrelya.”

-WAKAS-